Huwebes, Setyembre 27, 2012


Ito ang Oblation, ang simbolo ng Pamantasan ng Pilipinas (University of the Philippines). Isinasabuhay ng bawat isang magaaral ng Pamantasan ang nais ipahiwatig ng simbolong ito. Ang pagaalay ng sarili para sa bayan, sa pamamagitan man ito ng paglilingkod sa mga mamamayan, pagtrabaho sa pamahalaan o pag tulong sa mga kababayang nangangailangan. Sinisimbolo ng Oblation ang kalayaan; ng isipan, ng pangangatawan at ng karapatan.

Ako si Mata, isang magaaral sa University of the Philippines Baguio. Marahil nakakapagtaka kung bakit kailangan ko ipahiwatig ang tunay na ibig sabihin ng Oblation. Simple lang. Dahil nais ko imulat sa lahat ang mga pagbabagong nangyayari sa loob ng pamantasan. Hindi lamang sa Baguio nagbabago ang pamantasan, ngunit sa buong sistema ng Unibersisdad ng Pilipinas, mula Baguio hanggang Mindanao.

Itinatag  ang University of the Philippines noong 1908, alinsunod sa mga programa ng mga Amerikano na bumuo ng pampublikong sistema ng pag-aaral dito sa Pilipinas. Mula 1908 hanggang 1940, binuo ng Pamantasan ang pangalan  nito sa pamamagitan ng dangal at kagalingan sa larangan ng akademya at palakasan. Nahinto ito ng sandali noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, kung saan maraming mag-aaral ng Pamantasan ang lumaban sa mga mananakop na Hapones.

Naibalik ng pamantasan ang kalidad ng edukasyon ng Pamantasan noong 1950s, unti-unting nauungusan ng Pamantasan ang ilan sa mga ibang paaralan sa Pilipinas sa larangan ng akademya, namamayagpag ang Pamantasan sa angking husay ng mga mag-aaral nito; tulad ni Ferdinand Marcos, at Benigno Aquino, jr.

Makikita ang kakaibang kalayaan sa loob ng pamantasan, buhat ito ng kagustuhan ng mga mag-aaral na matuto sa sarili nilang anyo, kung saan maiintindihan nila ang tunay na kakailanganin sa buhay. Dahil dito, lumalaking makabayan at maka-kalayaan ang mga mag-aaral ng Pamantasan.

Nasubukan ito noong panahon ng Martial Law, na kung saan, isang dating mag-aaral ng Pamantasan, si Pang. Ferdinand Marcos, ang nagtankang kumitil sa kalayaan ng mga mag-aaral ng Pamantasan. Dahil sa pagmamahal sa kalayaan, lumaban ang mga mag-aaral sa diktadurya, ang ilan, sumapi sa partido komunista ni Prof. Jose Ma. Sison, ng UP Dept. of History. Ang mga mag-aaral ng pamantasan ang nag lunsad at naging mitsa ng unang pakikibaka ng mga mamamayan sa Martial law, and First Quarter Storm.

Maganda ang mga naiambang ng mga mag-aaral ng Pamantasan sa muling pagkakamit sa kalayaan, ngunit tila nakakalimutan na ng kasalukuyang henerasyon ang tunay na katungkulan ng mga mag-aaral ng Pamantasan. Dangal at Kahusayan, iyan ang mga dakilang salita na laging nasa-isipan ng mga mag-aaral ng UP. Honor and Excellence. Ngunit nasaan ito makikita sa mga rally na paulit-ulit nilang isinasagawa sa kalsada? Sa mga pagliban sa klase upang ipahayag ang kanilang hinaing para sa mas mataas na sustento mula sa Pamahalaan? Sa pag bastos sa mga kagamitan, kagusalian ng Pamantasan upang ipakita ang pagtutol sa mga programa ng Pamantasan? Nasaan?

Hindi ko inilalahat ang mga mag-aaral ng Pamantasan, dahil merong mga bukas ang isipan sa loob. Ang aking pinaparatangan ay ang mga nagpapagamit upang magkagulo sa loob ng Pamantasan, ang mga iilan na pilit pinabago ang kamalayan ng mga mag-aaral upang tingnan ang Pamahalaan bilang isang kalaban. Ang aking nais ay ipakita sa mundo na hindi lahat ng nasa Pamantasan ay sarado ang isipan.

Naniniwala ako na hindi dapat isisi lahat sa Pamahalaan ang mga pagkukulang, kahit na aminado ako na maraming pagkukulang ang pamahalaan sa pag-tustos sa Pamantasan. Ngunit hindi sagot ang pagsabi na hindi na ginagampanan ng pamahalaan ang kanyang tungkulin. Marahil masyado masama ang tingin natin sa pamahalaan. Ang nais ko namang itanong sa aking mga kapwa mag-aaral; "Honor and Excellence; Sagrado yan sa UP, paano ba iyan naipakita sa Rally?" Puro kakulangan nalang ng pamahalaan ang isinisiwalat, ngunit hindi natin nakikita na mula mismo sa hanay natin, may lumalabag sa tungkulin nila.

Wag sana tayong basta basta magpadala sa mga islogan ng mga nagrarally. Wag sana tayong pumasok sa gulo nang hindi natin alam ang katotohanan. Wag sana nating gawing isang maliit na bagay ang pakiki-sama sa mga taong hindi naman kapakanan ng mamamayan ang nasa isipan. Marahil madalas ito mangyari sa Pamantasan, mga guma-gawa ng placard para sa rally, mga bagong mag-aaral kinakausap ng mga magsasagawa ng rally, "binibigyan" ng impormasyon ukol sa kasalukuyang estado ng Pamantasan, hihikayatin sila na sumama. Ano ang mali dito? Hindi kaila sa inyong kaalaman na propaganda ang inyong impormasyong natanggap. Mula sa mga organisasyong naglalayong kumalas. Sasama nalang ba tayo ng biglaan? Ni hindi nga tayo nakasisigurado sa mga impormasyong natanggap natin.

Kaya sa huli, ang nais ko lamang ay, alamin muna ang totoo bago magdisisyon, maghagilap ng sarili, upang maging obhektibo at di magpadala sa emosyon ng iba.